Gusto Ko Nang Umuwi.
AS IN. Excited na ako umuwi. Ngayon lang nag-dawn sa akin na gusto ko pala umuwi. E dati kasi, dedma lang. Lahat na ng OFW kong kasama rito, nagbibilang na sa kalendaryo, habang ako, walang pakialam sa mundo at masayang nanonood ng Scrubs at House DVDs. Hindi naman sa hindi ako naho-homesick…hindi lang talaga ako naho-homesick. E sa ganon lang talaga. ‘More of live the moment’ na kasi akong tao. Na-outgrow ko na siguro yung mareklamo ako kung -- Ba’t malamig? Ba’t walang sisig? Ba’t kelangan ko maging katulong? Ba’t hindi pwedeng pagdating ko na lang sa bahay, may pagkain na? Ba’t kelangan ko mag-drive? Ba’t ganon? Ba’t ganto?
Wala na. Tapos na ako sa phase na yan. Kung anong meron ako ngayon, pinagpapasalamat ko na lang. Tulad nito -- Salamat sa snow kahit ang sakit sa ilong ng hanging malamig. Salamat sa mga imbento kong niluluto kapag nagsasawa na ako sa nilaga at sinigang. Salamat sa internet dahil nakakausap ko ang mga tao sa Pinas. Salamat sa mga kasama ko rito na puro may katok sa utak. Salamat sa pagiging katulong dahil independent na ako. Salamat sa trabahong stressful pero fulfilling kapag nakakapagmando ng onak (Oh, Yes! Nakagoyo na naman!).
Salamat Lord.
So far, effective naman ang ‘Live in the Now’ therapy ko. Happy naman ako. Contented. Iniisip ko na lang, ba’t ko naman kasi hahanapin yung wala ako? E sa wala nga e. Ba’t d ko na lang i-appreciate ang kung anumang meron ako ngayon at kung anumang binibigay sa akin? Sa rami ng blessings na lumalapag sa 10 meter-radius ko, ba’t pa ako maghahanap? Ayoko na mabatukan ni God at sabihin Niya na reklamador pa ako. Sayang e. Baka bawiin.
So going back… Gusto ko na rin palang umuwi. Para na akong sinisilihan sa pwet sa excitement. Siguro dahil Pasko. Siguro dahil makikita ko na ang mga ka-berks ko na hinihintay na ako. Siguro dahil makakasalita na ako ng Tagalog 24 hrs a day, 7 days a week for 2 weeks (assuming na hindi ako matutulog for 2 weeks. Hmmm…posible!). Siguro dahil matitikman ko na naman luto ng nanay ko. Siguro dahil miss ko na ang kama ko at ang aking TV na may HBO (oo, wala akong HBO sa apartment…olats!). Siguro dahil makakarampa na naman ako sa office. Siguro dahil makikita ko na naman ang mga bading at makaka-praktis na ako full force ng gay lingo. Siguro dahil makakapanood na naman ako ng Channel 7 at makikita ko na naman si Dennis Trillo. Siguro dahil mauusukan na naman ako pag nag-commute ako. Siguro dahil makikipagsikuhan na naman ako sa MRT sa umaga.
At siguro dahil makikita na kita at magkaka-chance na akong lubusang makilala ka???
Haaay…gusto ko na ngang umuwi.