Tuesday, March 07, 2006

Bagong Bayani

Sabi nila sila raw ang mga bagong bayani. Ang mga OFW na nagpapakahirap at nagpapakasakit magtrabaho sa ibang bansa para makagpasok ng dolyar sa Pilipinas. Kalimutan na ang niyog, bigas at mangga. Tao na ang pinakamalaking export ng bansa natin. Tao. Isipin mo nga naman no? Habang manufactured goods at assembled products ang inaangkat ng ibang bansa, sa Pilipinas, talinong tunay, mga banat na braso at lustay na kamay ang pinagkakakitaan. Bagong bayani. Bayani nga ba? Ewan ko. Sa tingin ko parang mas bagay na tawaging biktima.

Magaling ang Pinoy. Kahit saan mang lupalop mo itapon, umaasenso. May likas na talino at kakayanan at may diskarte sa buhay. Bigyan mo lang ng trabaho, konting panahon lang, aasenso na. Galing di ba? Pero mas bibilib ako kung hindi na natin kailangang itapon pa ang galing ng Pinoy sa labas. Bakit ba hindi natin magawang tayo mismo ang makinabang sa mga yaman ng mga taong ine-export natin?

Kung may trabaho lang ba rito, kung makakain lang ba ang nais sa araw-araw na ginawa ng Diyos, kung mapag-aaral ko lang ang mga anak ko, kung makakapagpundar sana ng bahay at hindi habangbuhay uupa sa isang maliit na silid sa may kalye…hind naman ako aalis. Wala pa akong nakilalang OFW na natutuwa na nagtatrabaho siya sa ibang bansa. Kadalasan, lungkot ang makikita sa pagod na mga mata. Sino bang may gusto na mapalayo sa pamilya at sa mga kaibigan? Sino bang gustong ubusin ang kabataan at lakas sa bansang banyaga? Sino bang magulang ang gustong hindi makitang lumalaki ang mga anak nila? Ngunit hindi ka maaring manghusga kung kalam ng tiyan na ang pinag-uusapan. May babalik din sayong tanong. Sino bang magulang ang ayaw ibigay ang lahat para sa kinabukasan ng anak nila?

Sa bawat magulang na lumilisan ng bansa, may mga anak na naiiwan. At sa anak na nakikitang sa ibang bansa lang makukuha ang kaginhawahan, may murang isipan na nasasabihan na sa ibang bansa lang may pag-asa. Hindi masamang sabihin ang totoo. Ngunit habang pinapalaki natin ang ating mga anak na nag-iisip na nasa ibang dako ng mundo ang swerte sa buhay, mas nahuhubog ang katotohanan. Sa mga kabataang ito, unti-unting sumusuot sa kanilang kamalayan na lilisanin mo rin ang Pinas pagkatapos mong makapag-aral.

Sa bawat kabataan na umalis ng bansa, may diplomang nasayang dahil hindi nagamit ang pinag-aralan. Iilan lang ba ang tunay na nagamit ang pinag-aralan pagkatapos umalis ng bansa? Hindi ba’t kailangan pa nilang mag-aral ulit o kaya tanggapin ang mga trabahong hindi naman angkop sa kakayanan? Ang mga doktor, nagiging nurse. Ang mga computer literate nagiging caregiver. Ang mga business graduates, nagbabantay sa day care centers. Kailangang kalimutan ng Pinoy kung sino siya at yumuko ng tuluyan upang mabuhay sa ibang bansa. Hindi ba’t nakakalungkot at nakakapanghina ang katotohanang ito? Hindi ba kayo napapatanong? Ganon ba talaga dapat ang buhay? Biktima na ba talaga ang Pinoy ng mga situwasyon na tila wala ng pag-asang mabago? Kahirapan, kawalang-trabaho, paghahanap ng opurtinidad na umasenso, pamumuhay para sa kinsenas at katapusan, mga utang na kahit ang apo mo sa tuhod ay magmamana. Tila ba black hole ang Pinas na kailangan mo ng lisanin bago ka pa man higupin ng buhay?

Kung ang bayani ay ang Pinoy na nagpapakasakit para sa dolyar, kung ang bayani ay ang magulang na nakikitang lumalaki sa ibang kanlungan ang mga anak, kung ang bayani ay ang kabataan na kailangang lisanin ang bansang kanyang kinalakihan upang makatulong sa pamilya at mapag-aral ang mga nakakabatang kapatid, kung ang bayani ay ang doktor na piniling maging nurse upang kumita ng mas malaki, kung ang bayani ay ang mga kasambahay natin na nag-aaral ng care giving upang makatapak sa ibang bansa…masyado nang maraming bayani sa atin. Panahon na siguro para ibigay natin ang nararapat sa mga bayaning ito. Panahon na para maparangalan natin sila…at pauwiin.

*Note: Hindi ako nagmamarunong. Sinulat ko lang ito dahil sa bugso ng damdamin. Alam kong hindi naman simple na mapauwi ang mga OFW lalu pa't wala namang magandang nagaganap sa Pilipinas. Ayokong sisihin na ang gobyerno. Alam naman nating magnanakaw silang lahat. Ngunit hindi lang obligasyon ng gobyerno na pauwiin sila. Bawat isa sa atin kailangang maisip na may long-term effects ang pagkakaroon ng dumaraming OFW. OFW din ang tatay at kapatid. Naging OFW din ako pansamantala. Mahirap talaga kapag pera-pera na ang usapan. Ngunit ayoko lang makita na wala ng natira sa Pilipinas. Ayoko rin umalis. Sana hindi dumating ang panahon na kailangan ko ring umalis.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

 
Past Posts
We Can Never Can Tell
HUWAY
It’s Friday…I’m In Love
Buendia Jeep
RELATIONSHIPS ET AL
BORA-GAY ALPHABET
Haller 2006
Mga Pampalipas Oras
Haller Blogspot
PLASTIK AIRLINE CUP
Archives




Blogger Friends


Design by Carlo Genato

 
Free Counter
Free Counter