PLASTIK AIRLINE CUP
“Something to drink?” Pupungas-pungas na tumingin ako sa flight attendant at sumagot ako ng isang walang kalatoy-latoy na “Just water”. Isa na namang plastik cup ng tubig na may Northwest na naka-emboss ang uubusin ko – nang unti-unti, hanggang sa abot ng aking makakaya para may magawa sa loob ng hinayupak na eroplano na ‘to.
Ang hirap maubos ang oras lalo pa’t ayaw mo ng ginagawa mo. At ayoko talaga ng ginagawa ko sa mga sandaling ito…ang literal na paglipad palayo sa iyo. Wala akong magawa. Kailangang lisanin ang LA dahil may trabaho ako sa Atlanta. Kahit sa panaginip, hindi ko hinagap na gagawin ko ‘to. Ayoko talaga ng long-distance relationship pero nandito na. Sabi mo nga, matitigas ulo natin kaya kahit alam nating mahirap, sumige pa rin tayo. Lintek na pag-ibig yan. Mahirap na at sa kaso ko, nakakapagod na, magastos pa.
Bakit kasi hindi mo pa ako pinatos nung college? Noong pareho pa tayo ng country code? Noong pareho pa tayong nasa Pinas? Kahit ba may boyfriend ako non, kung nanligaw ka lang, hindi ako magdadalawang-isip at iiwan ko yun. At bakit kasi ang chick boy mo noon? Pakiramdam ko tuloy, isa lang ako sa mga babae sa listahan ng pinagpapa-cute-an mo. Ang labo talaga. Nung nag-break kayo ng nth girlfriend mo, pa-graduate na tayo at umalis ka na papuntang Amerika. Nag-break kami ng boyfriend ko at nataon nagbakasyon ka sa Pinas. Pagkatapos ng isang taong pamumuhay sa email, nagkita at nagkausap din tayo. Ang galing. Parang walang nagbago sa atin. Napag-usapan natin lahat. At hindi mo pinalampas ang pagkakataon. Tinanong mo ako non kung ok sa akin ang long distance relationship. Sabi ko, hindi dahil hindi talaga siya ok para sa akin. Sabi mo, kaya mo pero mamamatay ka sa sobrang pagka-miss. Alam ko na ibig mong sabihin. Namamatay na ako ngayon sa eroplanong ‘to.
Anim na buwan pagkatapos nating magkita sa Pinas, dininig ng Diyos dasal ko pero may konting joke na kasama. Pinadala nga Niya ako sa Amerika pero sa kabilang dako ng Amerika ako napadpad. Oo nga naman. Para nga naman may ‘challenge’. Three-hour time difference and six to eight hours flying time. Ayos. Sabi ko, “Ok na ‘to kesa sa wala”. Yun din pala nasa naisip mo kaya halos araw-araw mo akong tinawagan nung nalaman mong nandito na ako. Nagulat nga ako nung pinadalhan mo pa ako ng telepono para ma-text kita. Ayun, nagkita rin tayo pagkatapos ng dalawang buwan. Thanksgiving weekend. At ‘Thank you God!’ talaga dahil inamin mong mahal mo ako all these years. At inamin mo ring tanga ka na ngayon mo lang sinabi.
Right place, right time? Hindi yata. Dahil limang buwan mula ngayon, sakay na ako ng mas malaking eroplano pauwi ng Pinas. Matatapos na rin ang trabaho ko rito sa Atlanta. Magmi-mistulan akong batang inagawan ng kendi dahil gustuhin mo man, alam mo at alam kong hindi kita maisasama. Malinaw. Nasa Pinas ang buhay ko at dito sa Tate ang buhay mo. Simula pa lang, alam naman nating mangyayari yun. Nararamdaman ko gusto mo akong magtrabaho rito pero alam ko ring ayaw mong hilingin sa akin yun dahil sa mahirap na magsimula uli rito sa Tate. Ewan ko. Hindi mo siguro alam, na kahit saan man, mahihirapan din ako. Mas mabuti na yatang mahirapan ako rito kesa mahirapan sa Pinas na wala ka.
Ngayon, praktis lang muna ako ng paglipad paalis ng LA. Baka sakaling pwedeng masanay na ako kahit kaunti para sa paglipad ko patungong Pinas.
Pinindot ko ang flight attendant button. ‘Hi Rachel, can I have another cup of water?’ Sorry. Hindi ko kinaya. Kulang talaga ang isang cup lang ng tubig.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home