Tuesday, December 27, 2005

RESIBO

Hindi ko ugaling magtago ng basura. Para sa akin, basura ang resibo. Kundi lang ba kailangang itago ang mga ito hanggang sa dumating ang bill ng credit card, hindi ako mag-iipon ng basurang resibo. Pero sabi nga nila, may exception to the rule. Ewan ko nga ba. Cash naman ang binayad ko rito. Pero nung araw na iyon, tinago ko ang resibo na hindi ko pa rin maitapon hanggang ngayon.

Nakakatuwa ang resibo no? Sinong mag-aakalang ang daming laman ng isang kapirasong papel? Name of establishment, operated by whoever, place of wherever, TIN, VAT, S/N, transaction number, mga binili at kung magkano ang mga binili. Yung iba, may tagline pa sa dulo. Katulad ng resibo ko ng Starbucks. ‘Enjoy your coffee.’ Kung sabagay, na-enjoy ko nga naman. Bumili ako ng kape kasi kailangan kong magising ‘non. Pero alam ko, with or without coffee, gising na gising ako nung nalaman ko na ito na talaga ang hinihintay ko. Iba talaga ang tama ng kape na ito!

Mabilis pero hindi nakakatakot. Masaya na nakakalunod. Kalmado ngunit tila hindi mapakali. Lahat ng inakala kong joke sa pelikula, nasa sa amin. Hindi mabilang-bilang ang pagkakataon na nagkasabay ang aming nasambit at naisip. Nakakatuwang nakakagulat! Mula sa topak hanggang sa pananalig sa Diyos. Mula sa malalim na kababawan, hanggang sa mababaw na kalaliman. Walang maskara at pagkukunwari. Sa unang pagkakataon, hindi ko kinailangang mangapa ng ugali, matakot na hindi maiintindihan o magpakitang-gilas para makakuha ng ganda points. Napakadali ng lahat. Ganon pala ‘yon. Kapag para talaga sa iyo, walang kahirap-hirap, at mapapasaiyo.

Pero siyempe, mahal ako ni Lord. At sabi nga nila, kapag mahal ka, bibigyan ka ng atensyon. Alam mo naman Siya kapag namansin, kakaiba! Papaulanan ka ng pagsubok. At hindi nga kami nakaligtas. Quarter-life crisis, bagong trabaho, pabagu-bagong schedule… Nalagpasan naman namin ngunit hindi pa pala Siya tapos. Binigyan Niya kami ng delubyo.

Aaminin ko. Hindi ako handa pero hindi ko rin masabing hindi ko ito nakitang parating.

Ba’t ba hindi ako bumitaw agad? Siguro dahil kilala ko ang tunay niyang pagkatao. Makakalimutin iyan. Ang mga gamit niya madalas kasinggulo rin ng utak niya. Isip bata ‘yan kapag kasama lang ako. Antukin. Malabo minsan manamit at kuba pa. Minsan madudurog ka na lang sa mga pagkakataon na mararamdaman mo na huli ka sa lahat ng importante sa buhay niya. Pero babawi siya at maaalala mong Kristiyano ka at mapagpatawad. Maraming beses na rin akong napahamak dahil sa nakakainis ang sobrang pagka-honest niya. Sabi nga nila, nung nagsabog ng pasencia sa mundo, kinain ko raw lahat ng biskwit. Pero ewan ko. Alam ko hindi siya plastik. Nakikita niya ang kabutihan ng kahit sinong hopeless case sa kasamaan. Madali siyang mapasaya sa maliliit na bagay. Simple lang ang buhay na gusto niya. Sa sandaling panahon na nakilala ko siya, natanggap ko kung sino siya. Natanggap ko ang lahat-lahat, maliban lang sa isa…

Mahina siya.

Sabi niya ako ang nagsisilbing ilaw kapag magulo ang utak niya. Ang hindi niya alam, sa kanya lang din ako nakasandal. Hangga’t kasama ko siya, kaya kong maging malakas para sa amin. Ngunit anong laban ko sa 26 taon na samahan? Anong laban ko sa maimpluwensyang magulang? Sa mga bagay na siya lang ang maaring lumaban, ang magagawa ko lang ay manalig na kakayanin niya.

Kaya’t binuhos ko lahat ng pagtitiwala sa pag-aakalang magpapalakas ito sa kanya. Kahit na luray-luray rin ang loob ko sa lahat ng nangyari, nagtiwala pa rin ako. Naniwala ako na ang relasyon namin ay hindi lubusang nakasalalay sa mga opinyon ng mga taong nakapaligid sa kanya at sa bukas na walang may alam kung ano ang dala. Naniwala akong kilala niya ako dahil siya ang taong nakasama ko halos araw-araw, nakausap ko kapag masaya ako, umiiyak ako, inaatake ako ng pagkasutil, mabuti ako o tahimik ako. Naniwala akong higit kanino man, siya ang tunay na nakakakilala sa akin dahil alam niya ang kahinaan at kalakasan ko. Naniwala akong kami lang ang nakakaalam ng kung anong meron kami…at hindi ang mga kaibigan niya, hindi ang pari at lalong hindi ang magulang niya.

Nung nagsisimula pa lang ang delubyo, sinabi ko sa kanya na kung sakaling maligaw kami sa gitna ng lahat, kailangan lang namin alugin ang isa’t isa at ipaalala kung bakit ba kami nandito. Love is not the reason. It is the ONLY reason. Yan dapat ang kalakip na mensahe ng resibo na balak kong ibigay sa kanya pagkatapos ng lahat ng ito. Nanghina man kami sa laban, may magpapaalala sa amin kung paano nagsimula ng lahat.

Sa lahat ng imposible, ito ang pinakamahirap – ang magpaalala sa taong kusang lumimot. Tapos na ang delubyo ngunit nasa akin pa rin ang resibo.

Nakalimot siya kung bakit kami nandito. Nakalimot siya kung anong meron kami. Nakalimot siya na minsang nagpasalamat siya sa Diyos dahil natagpuan na rin niya ako. Nakalimot siya na pagkatapos ng lahat, kaming dalawa lang ang tunay na mahalaga sa aming relasyon. Ganon talaga. Minsan kailangan mo nang bumitaw kapag alam mong wala ka nang pinanghahawakan. Tila sumabak ako sa laban na hindi tiyak kung meron akong sandata. Katangahan na kung magpumilit pa.

Nakakatuwa ang resibo no? Sinong mag-aakalang ang daming laman ng isang kapirasong papel?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

 
Past Posts
Archives




Blogger Friends


Design by Carlo Genato

 
Free Counter
Free Counter